Kung merong cakes na pang-dessert, meron na ring nakakatakam na ulam cakes na puwedeng isabay sa kanin, tulad ng Japanese na “Chirashi” cake at Pinoy na Lumpia cake. Saan nga ba mabibili ang mga ito?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Susan Enriquez, ipinakilala ang 34-anyos na si Jed Ang, owner ng Infinity Gourmet Foods.
Mula sa mga pangsahog na putahe na kaniyang paninda, ni-level up niya ito at ginawang cake. Kakaiba rin ang kaniyang mga seafood dahil direkta silang nanggaling mula sa Japan.
Ang salitang Hapon na “Chirashi” o “scattered” sa Ingles ay nangangahulugang pinagsama-samang hilaw na isda, omelet, Japanese nori at kanin. Kilala rin ito bilang Chirashizushi, na itsura ng isang malaking sushi.
Best seller ng kaniyang negosyo ang Chirashi cake.
Mabibili ang six inches na Chirashi cake sa halagang P3,750, at eight inches naman sa halagang P4,800.
Mainam na ikonsumo agad ang Chirashi cake, o maaari lamang maitago sa ref ng apat hanggang limang oras. Iwasan din na itabi overnight dahil titigas ang sushi rice.
Kung merong Chirashi cake, meron ding Pinoy na lumpia cake, na ibinibenta naman ni Kristine Kaye Dawana, may-ari ng Kaye’s Table.
Maraming puwedeng pagpilian sa mga savory cake ni Kaye, tulad ng Canton Bihon Overload, Garlic Sotanghon at Pancit Palabok. Mayroon ding Creamy Carbonara, Cheesy Baked Macaroni, Spaghetti, Lasagna at Penne Pesto with Lumpiang Shanghai.
Umaabot ng dalawang oras ang proseso ng pagbuo, naglalaro sa P1,600 hanggang P2,800 ang halaga ng mga savory cake, depende sa variant at size. —LBG, GMA Integrted News