Inihayag ni Tito Boy Abunda ang kaniyang labis na pagkadismaya tungkol sa inilabas na vlog ni Liza Soberano, na nag-rebranding na ngayon bilang si “Hope,” kung saan sinabi ng aktres na wala siyang “boses” o desisyon noon pagdating sa pagpapatakbo ng kaniyang career.
“Disappointed po ako roon sa vlog. I am extremely… I’m not disgusted, but I am extremely disappointed with the vlog,” sabi ng King of Talk sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Saan po ang pinanggagalingan ko?” sabi ni Tito Boy, na inihayag ang kaniyang saloobin bilang isang manager.
Para kay Tito Boy, may karapatan si Liza na magbago ng management at sabihin ang kaniyang nararamdaman, o kung paano hahawakan ang kaniyang karera.
Ngunit ikinadismaya ni Tito Boy ang mga hinaing ni Liza na wala umano itong boses o hindi tinatanong tungkol sa kaniyang career.
Inilahad din ni Liza ang kaniyang pagkadismaya umano sa pakikipagtrabaho sa tatlong direktor nang paulit-ulit.
“Masakit pakinggan. Kasi you were working with three of the best directors of this country. Bilang tagahanga, ang gusto kong sabihin, Liza, ang hinangaan namin, hindi ikaw ‘yon. For the last 13 years ang hinangaan namin hindi si Liza ‘yon,” sabi ni Tito Boy.
Nagsasalita si Tito Boy dahil ipinakita sa vlog ang isang clip kung saan kinapanayam niya si Liza. Pero sa video, sinabi ni Liza na, “I have always been told what to do, what to wear, what to say and not what not to say.”
Ayon kay Tito Boy, “I don’t know the intent, I don’t know where she wanted to go. Pero kung rebranding lang ito at redirection, medyo masakit lalo na para sa aming mga manager.”
Ipinaliwanag ni Tito Boy na pagdating sa paghawak ng public figures sa bansa, kadalasang pumupunta ang isang talent sa isang manager para magsabi tungkol sa mga plano nitong mag-artista.
“Ito na ‘yung nangyayari na, I’m not talking about even Liza,” paglilinaw ni Tito Boy. “At a certain point… ‘Pag sumikat po ‘yan, katulad ng pagsikat ni Liza Soberano, nababago po kung nasaan ang powerbase, doon na nagbabago ang lente, ‘yung kaniyang prism na, ‘Ah this is what I want. I want more.’”
“Na masakit, dahil you can proceed with your career, you can redirect your career. Pero sana you can journey in gratitude. Sana baon mo ang pagpapasalamat, sa lahat ng mga nangyari at sa lahat ng mga taong dumaan sa buhay mo at kasama mo,” payo ni Tito Boy.
“Because you are where you are today dahil sa mga taong tumulong. Sabihin na natin may mga karanasan ka na hindi masyadong maganda because you wanted to be heard, you wanted to be more visible in your career,” pagpapatuloy pa ng TV host.
“Pero Liza, lahat ng lahat ng nangyari sa ‘yo, lahat. Nothing is ever wasted. Lahat. Lahat ‘yan nagiging point of reference mo, ‘Ay ito pala ang ibig sabihin no’n,” diin ni Tito Boy.
“Medyo masakit din po pakinggan ‘yung even the choice of [her] name na Liza, she had nothing to do with it,” ayon kay kay Tito Boy.
“Pero Liza, ‘yun ang hinangaan namin. ‘Yun ang kinilala namin. At what we knew at ang hinangaan namin was a good girl. Ang hinangaan namin was an excellent actor. Huwag mong isantabi, do not disregard your past. Do not disregard the 13 years na minahal ka ng fans mo. And do not disregard the hard work that your managers put into who you are today,” mensahe ng talk show host sa aktres.
Sinang-ayunan ni Tito Boy ang pahayag ni Ogie Diaz na magtatanong muna ito sa isang talent at sa mga magulang nito kung marunong silang mag-manage ng kanilang career.
BASAHIN: Ogie Diaz, nagkomento sa pahayag ng dati niyang 'alaga' na si Liza Soberano
“Ang dami ko pa pong gustong sabihin. But in one line… You now Liza… I love her. I love you, if you’re watching this: Proceed with your career, wherever you want to go, in gratitude,” sabi ni Tito Boy.
“You know what I should do? #SayThankYou. Because gratitude opens your heart and your life to more blessings,” dagdag pa niya.
Sa vlog naman ni Liza, sinabi niyang “This is not a story of bitterness or regret. In fact it's the opposite. It's a story about growth and gratitude.”-- FRJ, GMA Integrated News