Trending at inabangan ang finale ng hit historical portal fantasy series na “Maria Clara at Ibarra” nitong Biyernes ng gabi. Nagtapos man, pinukaw naman nito ang damdamin ng mga manonood para pahalagahan ang mayamang kasaysayan nating mga Pilipino, na sumasalamin sa mga nobela ni Rizal na “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo.”

Sa huling episode, isa nang matagumpay na doktora si Klay, na ginagampanan ni Barbie Forteza, matapos magmartsa sa kolehiyo at makakuha ng scholarship abroad.

Makalipas ang pitong taon, muli niyang binalikan si Mr. Torres para mag-abot ng regalo bilang pasasalamat, ngunit nalaman niyang hindi na ito nagtuturo sa kaniyang pamantasan.

Sa halip, itinuro si Klay kay Mr. Barry Torres, na apo ni Mr. Torres.

Isang malaking rebelasyon ang sumalubong kay Klay nang makita niyang kahawig na kahawig ni Barry Torres si Crisostomo Ibarra, na ginagampanan ni Dennis Trillo.

Nadagdagan pa ang pagkamangha na may pagtataka ni Klay nang ipakilala ni Barry ang kaniyang asawang music teacher na si Clarisse, na walang pinagkaiba sa hitsura ni Maria Clara, ginagampanan ni Julie Anne San Jose.

Hindi napigilan ni Klay na maging emosyonal nang maalala niya sa mag-asawa ang nabuo niyang pagkakaibigan kina Crisostomo at Maria Clara sa mundo ng Noli at El Fili, at niyakap niya ang mga ito.

Pero hindi pa rin maiwasang maalala ni Klay si Fidel, ang matalik na kaibigan ni Crisostomo na natutunan niyang ibigin sa kuwento.

Hindi naman nabigo ang fans dahil sa pagtatapos, dinala si Klay ng isang alitaptap sa isang kakahuyan kung saan bumukas ang isang portal. Labis ang kaniyang tuwa nang muli niyang makita ang iniibig niyang si Fidel, na ginagampanan ni David Licauco.

"Nahanap na kita. Wala nang babu," sabi ni Klay kay Fidel.

 

 

Sa ngayon, may mahigit 188,000 tweets ang #MCIEndingYarn, 49,000 tweets ang “Fidel,” at 40,000 tweets ang #MariaClaraAtIbarra.

“Mula sa pamilya ng Maria Clara at Ibarra, ngayon pa lang ay miss na namin kayo. Our moments together will forever be treasured. Yakap ng mahigpit! #MCIEndingYarn” tweet ni Julie.

Tila may pahiwatig naman si David na masusundan pa ang kaniyang pagganap bilang si Fidel nang sabihin niyang signing off muna siya “for now.”

“Yesterday marks the end of MCI, with that, I’d like to say thank you to everyone who supported the show for the past 5 months. To my MCI fam, I appreciate all of you. To GMA, thank you so much for giving me this once in a lifetime opportunity, It has been an absolute honor playing the role of Fidel,” sabi ni David.

“Lastly, to all the hardworking team behind the cam, I’ve learned a lot from each and everyone of you. ?? I am forever grateful! Fidel signing off….. for now ????” dagdag ni David.

 

—LBG, GMA Integrated News