Ipinangako ni “Star for All Seasons” Vilma Santos na ipagpapatuloy niya ang pakikipaglaban para sa karapatan ng mga kababaihan sa harap ng pagpanaw ng nobelista at aktibistang si Lualhati Bautista.
“Our condolences and prayers sa pamilya ni Ms. Lualhati Bautista. Huwag kang mag-alala, ipagpapatuloy ko ‘yung pakikipaglaban para sa karapatan ng mga kababaihan,” sabi ni Vilma sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
Gumanap si Ate Vi bilang bida sa mga pelikulang "Bata Bata Paano Ka Ginawa?" at "Dekada '70," na hinango sa mga nobela ni Lualhati na kapareho ring titulo.
Kilala si Lualhati sa kaniyang mga adbokasiya partikular sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan na makikita rin sa kaniyang mga isinulat.
Inihayag ng pamilya ni Lualhati na bubuksan sa publiko ang burol niya sa Miyerkules, February 15, sa St. Peter Chapels in Commonwealth, Quezon City.--FRJ, GMA Integrated News