Namaalam na si Julie Anne San Jose bilang si Maria Clara matapos masawi ang kaniyang karakter sa madamdaming episode ng “Maria Clara at Ibarra” nitong Biyernes. Hiling ng aktres, kapulutan ng aral ang kanilang proyekto para sa mga susunod na henerasyon.

“Isang napakalaking karangalan na mapabilang sa programang #MariaClaraAtIbarra ???? Maraming salamat sa @gmanetwork at @sparklegmaartistcenter sa tiwala at pagkakataon na mabigyang buhay ko si Maria Clara,” pasasalamat ni Julie sa kaniyang Instagram.

 

Pinasalamatan ni Julie ang direktor na si Zig Dulay sa paggabay sa kaniya sa bawat eksena, pati na rin sa kaniyang co-stars, mga manunulat at buong produksiyon na kaniya nang naging mga kaibigan at pamilya.

Pinasalamatan din niya ang viewers na walang sawang sumusubay, sumusuporta at nagpapaabot ng pagmamahal gabi-gabi.

“Mas minahal ko ang aking larangan bilang artista sapagkat kami ay naging instrumento upang maipakita namin ang makulay at maalab nating kasaysayan,” sabi ni Julie.

“Para sa akin, isang obrang maituturing ang aming palabas. Ito ay siguradong kapupulutang aral, na maipamamana sa mga susunod pang henerasyon. Matapos man ang palabas na ito, ang kultura at kasaysayan natin ay habang buhay na nakatatak sa ating mga puso’t isipan,” dagdag pa niya.

“Ito ang nagpapaalala sa ating mga karapatan bilang tao, at sa ngalan pag-ibig – sa sarili, sa kapwa, at maging sa bayan – tayo ay lumalaban at patuloy na lalaban,” anang Asia’s Limitless Star.

“Hanggang sa muli, ito po ang inyong Maria Clara delos Santos Y Alba, isang maalab na pagpupugay sa kasaysayan ng Pilipinas, salud! ??”

 

Sa episode nitong Biyernes, ang matamis sanang muling pagkikita nina Maria Clara at Simoun, na ginagampanan ni Dennis Trillo, ay nauwi sa trahedya nang iharang ni Maria Clara ang sarili mula sa putok ng baril ni Padre Salvi, na nakalaan sana para sa binata.

Hiniling pa ni Klay, ginagampanan ni Barbie Forteza, na lumaban pa si Maria Clara, ngunit hindi na nito kinaya ang malubhang tama ng bala sa kaniyang dibdib.

Napapanood ang “Maria Clara” pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad. —LBG, GMA Integrated News