Emosyonal na inamin ni Joaquin Domagoso na nasaktan siya sa ilang kaibigan niya sa showbiz na pumuna sa kaniyang ama na si dating Manila Mayor Isko nang tumakbo itong pangulo sa nagdaang Eleksyon 2022.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong si Joaquin kung nagtampo ba siya sa showbiz dahil hindi overwhelming ang naging suporta ng industry sa kaniyang ama.
Ayon sa aktor, hindi sa nagtampo siya sa industriya pero may ilang kaibigan umano siya sa showbiz na nagbahagi ng mga paninira tungkol sa kaniyang ama gayung kilala naman ng mga ito ang kaniyang ama.
“Hindi sa nasasaktan ako pero, ‘yung mismong friends ko sa showbiz, ‘yun ‘yung hindi ko ma-gets eh. Because they know me and they know my dad, I talked about my life with them. And I get it, you know, if you don't show support to my dad gets ko rin. Pero when you share stuff like discrediting my dad, sobrang sakit noon sa akin kasi, you know me when I talk to you eh. I'm so friendly and I'll tell you all the nicest things,” paliwanag ng Kapuso actor.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga kandidato na kanilang sinuportahan, pinanatili pa rin niya ang pakikipagkaibigan.
“That’s why it’s fine, I don't hate anybody about it, wala akong pakialam kung binoto mo ito or gano’n ang support mo. When I see you, I'm still the same JD, best friend pa rin. Masakit lang sa akin, masakit lang po,” saad niya.
Ayon kay Joaquin, maging sa trabaho sa set ay nagkakairingan din ang mga magkakatrabaho dahil sa eleksyon.
“‘Yun ang masakit kasi people in set nagkaka-aningan na kasi ‘yung kulay niya dito, ‘yung kulay niya doon. Paano kami magtatrabaho nang ganito?”
Kaya masaya siya na natapos na ang eleksiyon.
“I’m just happy it’s done. Because now that it’s done, everyone is breathing again,” dagdag niya.
Nang tanungin kung ano ang natutunan ni Joaquin sa halalan, tugon niya, “Everybody has an opinion, and you just have to respect it kasi sa dulo na lang, mag-aaway pa kayo eh. Everybody just ended up fighting, ‘yun ang masakit, ‘yung lahat kayo nag-aaway for people that you don't know.”
Sinagot din ni Joaquin ang tanong kung papasukin din ba niya ang mundo ng politika.
“You know a lot of people would tell me, even if I say no now, nag-no din ang papa ko before. And ako magno-no din ako now. Kasi kailangan niyo po ng parang nakapag-aral ka na, nakapag-decide ka na na ito ‘yung gagawin mo. Kasi when you're there and you're running in politics and you’re in politics, you really have to do your job. I don't want to just go to politics dahil lang sikat ang papa ko and alam ko pasok ako roon kasi may pangalan siya,” paliwanag niya.
“If you’ve ever seen me going to politics, note that, promise ko ito sa TV, sasabihin ko na mag-aaral po muna ako ng politics. I'm gonna study first,” saad pa ni Joaquin. --FRJ, GMA Integrated News