Kahit taong 2005 pa unang sumikat ang kantang "Jopay" ng bandang Mayonnaise, pero buhay na buhay pa rin ito ngayon sa mga rakrakan at videokehan. Ano nga ba ang kuwento sa likod ng pagkakagawa ng naturang awitin na mula sa pangalan ng dating Sexbomb dancer na si Jopay Paguia. At bakit hindi man lang siya nakasama sa music video ng awitin?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng singer-songwriter na si Monty Macalino ng Mayonnaise, na nagsimula ang inspirasyon niya na gawan ng kanta si Jopay nang makita niya itong umiiyak sa telebisyon dahil sa Lenten special ng "Eat Bulaga."
"Sabi ko lang, 'Uy astig, 'di ba sumasayaw lang 'to bakit umiiyak, bakit umaarte?. Eh si Jopay yung pangalan niya kasi parang pang Pilipinas lang. Wala namang Jopay sa ibang bansa. Parang naisip ko lang sabi ko gawa ako ng kanta na love song for a celebrity," kuwento ni Monty.
Nang matapos ni Monty ang kanta, personal niyang ipinaabot kay Jopay ang kopya ng demo tape ng awitin sa labas ng studio ng Eat Bulaga.
Pero kahit sa pagkakataon na iyon, hindi pa rin sila personal na magkakilala ni Jopay.
Ang naturang awitin, inabot pa ng dalawang taon bago nila inilabas sa publiko, at pumatok.
Para kay Monty, naniniwala siya na tinangkilik ng mga tao ang Jopay dahil sa madaling kantahin at "relatable" ika nga.
Ayon naman sa Sexbomb dancer na si Jopay, galing sila sa Japan at nakasakay siya sa taxi nang una niyang marinig ang kantang "Jopay."
"Parang narinig ko na tong music na 'to. Jopay? Ako ba 'yan? Tapos naalala ko, may nagbigay na pala sa akin ng tape," ayon kay Jopay.
Tinugtog din daw ni Monty sa kaniya ang kantang Jopay nang sa unang pagkakataon ay magkita sila nang personal, at nakisali pa siya.
Pero sa music video ng awitin, kapansin-pansin na wala si Jopay at makikita lang ang anino ng isang babae na sumasayaw.
Nang tanungin daw ni Jopay si Monty kung bakit hindi siya kasali sa MTV ng kanta, sinabi raw ni Monty na nakipag-ugnayan sila sa manager noon ni Jopay at sinabing busy pa ang grupo nang panahong iyon.
Bagaman palaging masaya si Jopay, inihayag ng dating Sexbomb dancer na nakaranas din siya ng mga kalungkutan. Kabilang dito nang magkaroon siya ng miscarriage sa una sana niyang baby.
"Yung first baby ko excited ako. Tapos hindi ko alam buntis pala ako, hindi ko alam maselan ako [sa pagbubuntis]. Kinabukasan dinugo, sinabi sa akin wala na, walang nang heartbeat," kuwento niya.
Gayunpaman, muling nabuntis si Jopay at ngayon ay mayroon na silang dalawang anak ni Joshua Zamora.
"Monty congratulations until now yung music na Jopay na ginawa mo para sa akin eh kinagat talaga ng masa," ani Jopay.
Bagaman nagkaroon na ng iba't ibang bersiyon ang Jopay pagkaraan ng maraming taon, may isang tumatatak ngayon na inawit ng hindi naman talaga tunay na singer-- si Kosang Marlon.
Ano naman kaya ang kuwento sa likod ng Jopay version ni Kosang na naging viral pa sa social media at ginagawa na rin ng iba? Alamin sa video "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News