Sa "Fast Talk with Boy Abunda," ipinaliwanag ni Bea Alonzo kung bakit hindi na niya hinahanap ang tunay niyang ama. Ito ay kahit pa inamin niya noon na nakaramdam siya ng inggit nang makita ng kaibigan niyang si Angelica Panganiban ang tunay naman nitong ama.
Sa naturang panayam nitong Huwebes, binalikan ni Tito Boy ang isang interview sa aktres at sinabi nito na hindi na niya kailangan pang makilala ang kaniyang tunay na ama.
Tinanong ng King of Talk si Bea kung ano ang pinanghuhugutan ng kaniyang sinabi.
"Back in 2010, noong nakilala ni Angelica (Panganiban) 'yung tatay niya, nainggit ako sa kaniya. I and Angelica were good friends, tapos ako 'yung isa sa mga una niyang pinagsabihan kasi alam niya nakare-relate ako doon sa experience niya," kuwento ni Bea.
"Tapos I tried looking for my father. May mga pinaghinalaan pero hindi pala 'yun 'yung totoo," patuloy niya.
Naisip ni Bea na kausapin ang kaniyang ina tungkol sa kaniyang ina para makakuha ng mga impormasyonpero hindi niya inasahan ang mga nangyari.
"That Christmas, nilasing ko ang nanay ko, na hindi umiinom, by the way. Nilasing ko siya para mag-extract ako ng information. Nagulat ako sa naging resulta, kasi, umiyak talaga, nakita ko 'yung, I don't know, trauma from that relationship, na parang I felt so guilty," ayon kay Bea.
Dahil dito, nagdesisyon si Bea na hindi niya kailangan ng isang ama.
"Nagkaroon akong epiphany, nag-reflect ako, sabi ko 'Hindi ko naman kailangan ng tatay kasi buo naman ako. Kung ano ang ibinigay sa akin ng nanay ko, sobra-sobra pa sa ibinibigay ng dalawang parents," pahayag niya.
"She's been through enough. So hindi ko na rin hinahanap," dagdag ni Bea.
Sa dating panayam sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inilahad ni Bea na apat na taon na gulang pa lang si siya nang iwanan sila ng kaniyang ina ng kaniyang ama na isang Briton.
Naging maayos din ang paggabay sa kanila ng kaniyang stepfather, na 17-taon nang kasama ng kaniyang ina.
Itinuturing pa nga ni Bea na "blessing" sa kanila ang kaniyang stepdad. --FRJ, GMA Integrated News