Inihayag ni Xian Lim ang labis na paghanga sa kanilang leading lady sa upcoming Kapuso series na "Hearts on Ice" na si Ashley Ortega. Kasabay nito, looking forward din ang aktor sa pagbabalik-trabaho  nila ni Jennylyn Mercado para naman sa "Love, Die, Repeat."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Xian na nakita niya kung gaano kamahal ni Ashley ang trabaho nito sa taping nila ng Hearts on Ice.

"I think she is very dedicated when it comes to her project, this project in particular, kasi ngayon ko pa lang naman siya nakita in action. She comes to the set prepared and she knows what she is doing especially on ice," ani Xian.

Grateful din si Xian sa ginagawang tulong sa kaniya ni Ashley pagdating sa iceskating, lalo ngayong may mga komplikado na silang eksena sa skating rink.

"Upon hearing about the role lang saka ako nag-skating. Ngayon nag-intensify ang mga ginagawa namin sa serye, 'yung liftings involved which is a bit dangerous kasi mapapatid kami, may mga blades sa paa namin. It takes a lot of practice, time and dedication sa Hearts on Ice," patuloy ng aktor.

Looking forward din si Xian kapag magsimula na muli silang mag-taping ni Jennylyn para sa "Love, Die, Repeat."

"When we started 'Love, Die, Repeat,' 'yun talaga ang peak ng COVID. It was very strict, bawal magkita ang lahat-lahat. So I'm hoping and I'm pretty sure na once we resume mag-iiba rin ang dynamics," sabi ni Xian.

Panandaliang nahinto ang taping ng "Love, Die, Repeat" matapos ianunsyo ni Jennylyn ang kaniyang pagbubuntis.

"Maraming salamat sa aking GMA family for understanding my condition and allowing me to still finish “Love, Die, Repeat” next year once I am ready to work again," saad noon ni Jennylyn sa isang pahayag.

Isinilang ni Jennylyn noong nakaraang taon ang anak nila ni Dennis Trillo na si Baby Dylan.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News