Sa pambihirang pagkakataon, walang labis, walang kulang at saktong naka-200 points sa fast money round ng "Family Feud Philippines" ang team "Luv Is" na pinangunahan ni Sofia Pablo.

Sa eposide ng naturang game show nitong Lunes na host si Dingdong Dantes, kasama ni Sofia sa team sina Boom Labrusca, Ariel Ureta at Debraliz Valasote.

Nandoon din ang ka-loveteam at leading man ni Sofia sa series na si Allen Ansay para magbigay naman ng suporta.

Nakalaban ng team "Luv Is" ang  team Xsquad na pinapangunahan ni Christian Bautista. Kasama niya ang ibang kapuwa niya live streamer at singer na sina si Princess Ramos, Kyle Pasajol at Mark Cordovales.

Sa elimination rounds, naging mahigpit ang laban ng dalawang grupo at unang naka-49 points ang Xsquad ni Christian. Nakuha rin nila ang ikalawang round para makalikom na ng kabuuang 122 points.

Pero sa round 3, naka-steal ang team Luv Is at kumamada ng 60 points. Nasagot din ng grupo ni Sofia ang lahat ng sagot sa round 4 para makuha ang kabuuang 357 at sila ang maglaro sa jackpot o fast money round.

Sa jackpot round, sina Sofia at Boom ang napiling naglaro.

Tunghayan ang buong episode at alamin kung papaano nila nakuha ang saktong 200 points at nanalo ng kabuuang premyo na P200,000 kahit pa naka-dalawang "zero" si Boom. --FRJ, GMA Integrated News