'Nabiktima ako!' Ito ang natatawang pagbahagi ni Chuckie Dreyfus sa ginawang prank sa kaniya ng mga kasamahan sa Kapuso hit afternoon series na "Abot-Kamay Na Pangarap."

Sa kaniyang Facebook, pinost ni Chuckie ang panggu-"good time" sa kaniya nina Richard Yap, Pinky Amador at Che Cosio sa pamamagitan ng monkey face filter habang kumakanta ng trending Tiktok song na "Konnichiwa Sayonara."

Nagkasundo ang apat na tatakpan ang kanilang mukha, at aalisin lamang ito kapag sila na ang kakanta.

Sa rehearsal, cute na version ng kanilang mga mukha ang ginamit na filter.

Pero nang mag-actual take na, laking gulat ni Chuckie nang maging unggoy sa halip na cute face ang kaniyang mukha.

"Na-good time ako!," natatawang caption ni Chuckie sa post. "Ang effort niyo ha!"

"Panoorin po ninyo kung paano ako sinetup at lokohin ni Che Ramos Cosio, Richard Yap, at Pinky Amador. With special participation ni Eunice Lagusad," sabi ng aktor.

May mahigit 46,000 reactions at mahigit 1,000 comments sa ngayon ang naka-aaliw nilang video.

Madalas na nagpo-post ni Chuckie ng mga video sa kaniyang social media account na sumasayaw kasama ang iba pang katrabaho sa naturang series.

Gumaganap si Chuckie bilang si Dr. Rey Meneses sa hit GMA medical-inspirational drama series, at matalik na kaibigan ng karakter ni Richard. --FRJ, GMA Integrated News