Umaapaw sa energy at "nagsigawan" na ang magkaibigang Teri Onor at Bluh nang sumalang sa "Pinoy Henyo" segment ng "Eat Bulaga," at nakuha nila ang P50,000 jackpot prize.

Ayon sa dalawa, mahigit 10 taon na silang magkaibigan at hindi nila pinag-awayan ang lalaki.

"Nagka-agawan na ba kayo sa boys?," tanong ni dabarkads Paolo Ballesteros.

"Hindi ko linya 'yan Pao [na mang-agaw]. Alam mo 'yan," sabi ni Teri.

"Ako linya ko, ok na?," pabirong singit naman ni Bluh na nagdulot ng tawanan.

Ayon kay Teri, tungkol sa oras ang madalas nilang pag-awayan kapag na-late si Bluh.

"Sa time na pagpunta sa bahay," sabi ni Teri.

Nakatatawang katwiran naman ni Bluh, "Siyempre nasa bahay lang siya. Alangan naman siya pa ma-late sa bahay niya 'di ba?"

Pero bago tuluyang malibang ang mga dabarkads sa nakatutuwang sagutan ng magkaibigan, isinalang na sa elimination round sina Teri at Bluh.

Si Teri ang humula sa salitang "toyo," na nasagot nila sa loob lang ng 15 segundo, pangalawa sa pinakabilis na record na siyam na segundo na nagawa ng dalawang barangay officials.

READ: Record sa 'Pinoy Henyo' nina Jose at Wally na 22 seconds, may bumura

Sina Teri at Bluh na rin ang umusad sa jackpot round na may premyong P50,000 kapag nasagot nila ang tatlong pinapahulaang salita sa loob ng tatlong minuto.

Bagaman nag-pass at hindi nasagot ni Bluh ang unang pinahulaang salita na "sili," nakabawi naman si Teri sa pangalawang salita na "bisikleta," sa loob ng 1:55 minute.

Bumawi rin si Bluh na mabilis na nahulaan ang sumunod na salitang "gold fish." 

Matapos nito, sandaling kumalma si Teri pero muling naging energetic at sumigaw hanggang masagot na niya ang "ngipin," halos isang minuto pa ang natitira sa kanilang oras.

Panoorin ang masayang video at reaksyon ni Teri nang manalo na sila. --FRJ, GMA Integrated News