Ikinamangha ni Padre Salvi ang kaniyang natuklasan tungkol sa 24-hour convenience store kung saan mabibili niya ang halos lahat ng kaniyang mga pangangailangan.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Juancho Triviño ang latest adventure ng kaniyang karakter sa "Maria Clara at Ibarra" na si Padre Salvi at ang alalay nitong si Renato sa bagong bayan ng San Diego.
Ayon kay Renato, isang estranghero ang nagturo sa kaniya tungkol sa isang gusali na hindi nagsasara.
"'Wag mo ako pinaglololoko Renato. Paano natutulog ang tao?" pagtataka ni Padre Salvi.
Nang makapasok sa convenience store, hindi maiwasan ni Padre Salvi na magtanong sa isang crew tungkol sa kanilang convenience store, at kung gaano katagal na itong hindi natutulog.
Ikinamangha rin ng padre at ni Renato ang mga nakita nilang samu't saring bilihin.
Sa ngayon, may mahigit 5,000 likes ang video, na kinaaliwan ng netizens.
Kinaaliwan din ng netizens ang pagbisita ni Padre Salvi sa modernong panahon, na bumiyahe sa tricycle at nag-order ng pagkain sa isang fastfood restaurant. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News