Matagal nang nagpapakilig sa kanilang tambalan sa All-Out Sundays, inihayag ni Buboy Villar na crush niya ang kaniyang leading lady na si Faith Da Silva.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ibinahagi nina Buboy at Faith ang pinanggagalingan ng kanilang closeness sa isa't isa.

"Matagal ko nang kilala si Faith, as in sobrang bata pa lang siya," sabi ni Buboy.

"Mga six, seven years old, magkakilala na kami. Hindi pa ako artista noon pero siya nag-aartista na siya. Active na siya noon," pagbabahagi naman ni Faith.

Dito, inamin ni Buboy na crush niya ang dalaga.

"Sa dami ng kalalakihan, ang daming may nagkaka-crush sa'yo Faith. Hindi ko naman masabi na isa rin ako roon kasi siyempre, 'di ba? Maganda si Faith," sabi ni Buboy.

Kasama ang tandem nina Buboy at Faith sa bagong magpapahalakhak at magpapakilig na musical fantasy series na "Engkanto Academy" sa All-Out Sundays.

Iikot ang mga storya ng Engkanto Academy sa mga nakatutuwang kwento ng mga buhay ng mga engkanto habang nasa isang boarding school.

Bukod kina Buboy at Faith, kasama sa mga pangunahing tauhan ng musical sina Matt Lozano, Sef Cadayona, Crystal Paras, Pekto at Pokwang.

Si Pokwang ang gaganap bilang principal ng Engkanto Academy. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News