Inamin at ipinaliwanag ng Filipino-American actor na si Dave Bautista kung bakit pinatungan niya ng ibang desensyo ang dati niyang tattoo na team logo ni Manny Pacquiao.

Sa panayam ng American magazine GQ na naka-post sa TikTok, hindi binanggit ng "Guardians of the Galaxy" star ang pangalan ni Pacquiao tungkol sa kaniyang tattoo sa braso.

Ayon kay Bautista, itinuturing niyang kaibigan at tinitingala noon ang taong hindi niya binanggit ang pangalan pero  bahagi siya ng team nito.

Ngunit nagbago umano ang pagtingin niya sa naturang tao dahil sa pahayag nito laban sa LGBTQ+ community.

"I was part of a team of a person I considered a friend and someone I really looked up to. And then, he later came out publicly with some anti-gay statements and turned out to be an extreme homophobe," paliwanag niya.

"So, I had a huge issue with it. It's a personal issue with me, my mom's a lesbian. And I just could no longer call him a friend," patuloy ni Bautista.

May iba pang pinapatungan na tattoo si Bautista kabilang ang pangalan ng ilang babae na naugnay sa kaniya.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ni Pacquiao.

Taong 2016 nang magbigay ng kontrobersiyal na pahayag si Pacquiao tungkol sa LGBTQ+ community. Kinalaunan, nilinaw niya na hindi siya tutol sa pangkalahatan ng homosexuality pero tutol siya sa same-sex marriage.

Muli niyang nilinaw ang naturang usapin nang tumakbo siyang pangulo noong nakaraang taon.—FRJ, GMA Integrated News