Sa lalim ng 66 talampakan, matatagpuan sa karagatan na bahagi ng Cabugao, Ilocos Sur ang isang rebulto ng pambansang bayani na si Jose Rizal. Alamin kung saan ito nanggaling at papaano ito napunta sa ilalim ng dagat.
Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing matatagpuan ang estatwa sa ilalim ng dagat sa Barangay Sabang ng nasabing munisipalidad.
Nasa 1.6 kilometro ang layo ng estatwa ni Rizal mula sa dalampasigan. Dating nakatayo ang naturang estatwa sa Plaza Salcedo sa Vigan City.
Ayon kay Ian Verzosa, in-charge ng Dive Center-Ilocos Sur, inalis ang naturang rebulto at pinalitan dahil sa oxidation sa bakal sa loob nito at nagkaroon na ng mga lamat.
Gawa naman sa fiber glass ang ipinalit sa dating estatwa. At ang lumang rebulto, inilagay naman sa motor pool.
Pero nanghinayang ang provincial government nang makita na nasa motor pool lang ang rebulto. Kaya dinala ito at inayos sa diving spot ng lalawigan.
Taong 2018 nang ilagay sa tinatawag ngayong "Hero's Cavern" ang naturang rebulto ni Rizal.
Pero dahil sa marupok na nitong materyal, bumagsak at natumba ang rebulto. Gayunman, plano itong i-restore at muling ibabalik sa dagat.
Tiniyak naman ni Verzosa na bago magbaba ng mga artipisyal bagay sa dagat para gawing atraksyon, gumagawa muna ng mga pag-aaral para hindi ito makasira sa kalikasan.
Tanging ang mga diver lamang na may advanced open water certification level ang pinahihintulutang pumunta sa naturang lugar.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News