Ilang celebrities, kabilang ang Kapuso leading man na si Alden Richards, sa mga nanood sa hinihintay na "Huling El Bimbo" concert ng bandang Eraserheads nitong Huwebes ng gabi.

Sa video post ni Alden sa Instagram, makikita pa si Alden sa backstage at nakasama ang apat na miyembro ng banda na sina Ely Buendia, Raimund Marasigan, Buddy Zabala, at Marcus Adoro.

Kasama rin sa video ang panonood niya ng concert sa front row.

"Hangang sa dulo ng mundo, solid ang ating pagsasama!" saad ni Alden sa caption.

"Maraming salamat sa mga naki sing- along at di nagpatalo sa mahabang pila!" dagdag niya.

 

 

Nitong nakaraang Setyembre, ibinahagi ni Alden ang kaniyang bagong venture na Myriad Corporation, na kasama sa preparasyon ng naturang Eraserheads reunion concert. 

Sa Chika Minute report naman ni Aubrey Carampel, sinabing naging pang-malakasang throwback ang hatid ng Eraserheads sa kanilang reunion concert na nangyari after 13 years.

At hindi umano ng napigilan ng mga nanonood ang nostalgic feels na hatid ng hit and iconic songs ng grupo.

Nasa 75,000 umano ang dumalo sa concert.

Kabilang sa mga celeb na nanonood ang magkapatid na Paolo at Bubbles Paraiso, Kean Cipriano, Karylle at mister na si Yael Yuzon, Kapuso actress Beauty Gonzales, kasama ang mga anak ni Aiko Melendez na sina Andre at Martina. --FRJ, GMA Integrated News