Labis ang kasiyahan ng aktres na si Maxene Magalona sa Eraserheads concert. Bukod kasi sa nagtanghal ang dalawa niyang kapatid, nakirakrakan din ang namayapa nilang ama na si Francis M via hologram.

"My heart was beaming with pride watching and seeing the baby bruvs @elmomagalona (Elmo) + @barqboy (Arkin) shine their light on stage at the Eraserheads concert last night," sabi ni Maxene sa caption ng video na ipinost niya sa Instagram habang nagtatanghal ang mga kapatid.

 

Nangyari ito habang ipinapakita ang hologram ng kanilang ama at Master Rapper na si Francis M sa opening song ng concert habang inaawit ang “Superproxy.”

"I am so damn proud of you both! Papa obviously lives in your souls," sabi pa ng aktres.

 

 

Ginanap ang reunion concert ng Eheads' na "Huling El Bimbo" nitong Huwebes ng gabi.

Sabi pa ni Maxene na muling "nasilayan" ng kaniyang ama sa paraan ng hologram, “It was nice to see you for a while, Pop! Thank you so much for gracing us with your presence.”

Dahil sa ginawa ng Eraserheads, nagpasalamat ang aktres sa banda dahil sa pagbibigay-pugay sa kaniyang ama sa pamamagitan ng "super cool hologram.”

Taong 2009 nang pumanaw si Francis “Kiko” Magalona dahil sa sakit na leukemia. Kabilang sa kaniyang hit songs ang “Mga Kababayan,” “3 Stars and a Sun,” “Ito ang Gusto Ko,” at maraming iba pa.--FRJ, GMA Integrated News