Emosyonal ang lead cast ng Voltes V: Legacy matapos makita ang bunga ng kanilang pinaghirapan at mapanood na ang first episode at mega-trailer ng live action adaptation.
Ang direktor nitong si Mark Reyes, sinabing inaasahan na itong mapanood sa ikalawang quarter ng 2023.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing nag-volt in ang lead cast na sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, Matt Lozano at Raphael Landicho para sa special preview ng unang episode at mega-trailer ng kanilang series.
"I feel proud of myself po kasi po unexpected 'yung nakita ko kasi after ng paghihirap namin sa pagtaping, 'yun naman po pala ang kalalabasan, very worth it po,” sabi ni Raphael.
“Honestly umpisa pa lang, ‘yung Skull Ship pa lang, talagang sobrang nakaka-emotional talaga kasi siyempre we’ve been working so hard on this project for so long. So seeing ‘yung first eps, seeing ‘yung preview sa amin, with the scoring, with everything, talagang sobrang maiiyak ka talaga,” sabi ni Ysabel.
Napahanga sa kanilang napanood maging ang certified anime fans.
Tunay na maipagmamalaki ng cast ang itinuturing isa sa pinakamalaking proyekto ng GMA Network.
“Sobrang lala ng atention to detail kasi alam mo eh, kapag talagang pinag-isipan bawat eksena. Speechless,” sabi ni Matt.
“I feel very blessed and lucky at the same time kasi kapapasok ko lang ng 2019 after ng Starstruck, nakuha ko po agad ‘yung Voltes Five and napili po ako ng GMA,” sabi ni Radson.
“Sa lahat ng cast na napanood namin, bawat labas nila, shini-share namin sila kasi ang tagal naming hindi nakita kung ano ang hitsura noong mga sarili namin sa screen, anong hitsura ng characters namin sa Voltes Five. So noong nakita namin lahat kami tuwang tuwa,” sabi ni Miguel.
“Voltes V: Legacy will definitely air second quarter of 2023,” anunsyo ng direktor nitong si Mark Reyes.
Dinaluhan din ang preview nina SVP for Entertainment Group Lilybeth Rasonable, First Vice President and Head of Post Production Department Paul Hendrick Ticzon, GMA Entertainment Group VP for Drama Cheryl Ching-Sy at AVP for Drama Helen Rose Sese. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News