Pumanaw na ang kabiyak ni Andrew Schimmer na si Jhoromy Rovero nitong Martes matapos ang isang taong pakikipaglaban sa sakit na hypoxemia.

Mismong ang aktor ang nag-anunsyo ng malungkot na balita sa pamamagitan ng kaniyang video post sa Facebook.

Ayon kay Andrew, nasa taping siya ng "Family Feud Philippines" nang makatanggap ng tawag mula sa mga doktor sa hospital dahil bigla raw mawala ang blood pressure at oxygen saturation ng kaniyang asawang si Jhoromy o Jho.

Humingi si Andrew ng paumanhin sa pamunuan ng programa dahil kinakailangan niyang umalis at magpunta sa ospital.

"Dali-dali naman tayong dumating dito. Inabutan natin siyang actually nire-revive ng ating doctors and nurses. They did everything they could,” sabi ni Andrew. "Ang sakit lang." 

Nagpasalamat si Andrew ang lahat ng mga taong nagdasal para sa kaniyang asawa at tumulong sa kanila.

Nakadagdag sa sakit ng kanilang kalooban na nangyari ang pagpanaw ng kaniyang kabiyak sa araw ng kaarawan ng kanilang bunso.

"Birthday ng bunso namin mamaya. Hindi siya inabutan ng bunso namin," sabi ni Andrew. 

"Ito 'yung ating sleeping beauty. Iniwan niya na tayo mga kapatid," saad ng aktor.

"The Love of my Life…my wife..my best friend.. my partner in everything. Remember your promse, together forever," caption ni Andrew sa kaniyang post, na hawak niya ang kamay ni Jho at suot ang kanilang wedding ring.

Noong Oktubre, ibinahagi ni Andrew ang paglabas ni Jhoromy sa ospital matapos ang halos isang taon na pagkakaratay.

Ngunit pagkaraan lang ng pitong araw, kinailangan nilang bumalik sa ospital dahil nakaranas si Jhoromy ng pamamanas sa kaniyang katawan.

Napag-alaman na November 2021 nang ma-comatose si Jhoromy dahil sa sakit na asthma.

Noong nakaraang Agosto, itinampok sa "Magpakailanman" ang kuwento ng pag-iibigan ng mag-asawa.

--FRJ, GMA Integrated News