Nakatakdang tapusin ng SB19 ang kanilang "Where You At?" (WYAT) world tour sa isang homecoming concert sa Big Dome sa darating na Linggo. Ang award-winning Pinoy pop group, sinabing muli silang magkakaroon ng world tour.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing memorable para sa mga miyembro ng SB19 ang kauna-unahan nilang world tour kung saan marami silang mga unang naging naranasan.

Sa Big Dome din nag-kick off ang kanilang "Where You At?" tour noong Setyembre.

"Dito namin tatapusin 'yung WYAT journey namin," sabi ni Josh.

Sa ngayon, wala pang petsa ang kanilang world tour pero inaasahan ito sa susunod na taon.

"Walang exact date, pero siyempre next year po, magre-release po kami ng new album and susundan namin 'yun," sabi ni Pablo.

"Pupuntahan po namin siguro ang ibang bansa at ibang cities na hindi namin napuntahan. Of course, bigger venues," sabi ni Josh.

Inilabas din ng SB19 ang bago nilang kanta na "Nyebe."

Isinulat ito ni Pablo noong kasagsagan ng pandemya kung saan naging impluwensiya niya ang Gospel music.

"In a way gusto ko pong maghatid ng isang kanta na kung ano 'yung talagang nararamdaman ko, nararamdaman din po ng mga tao sa paligid ko," sabi ni Pablo.

May kaniya-kaniyang plano na ang bawat isang miyembro ngayong magpapasko na.

"Magspend po ng Christmas sa family," sabi ni Ken.

"Tatapusin 'yung mga kanta," sabi ni Pablo.

"I'll spend time with family. Ilang months na po akong hindi nakakauwi sa amin sa family ko po," sabi ni Stell.

"Tapusin ko po 'yung mga tinatrabaho ko," sabi ni Josh.

"Ako po sa bahay lang din po," sabi ni Justin. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News