Para sa Pinoy bowling legend na si Rafael "Paeng" Nepomuceno, sina Manny Pacquiao at Hidilyn Diaz ang pinakamagagaling na atletang Pinoy.

"Who do you think is the greatest Filipino athlete?" tanong kay Nepomuceno sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel."

"Manny Pacquiao, Hidilyn Diaz. Dalawa [sila]," sagot ng bowling world champion.

Si Manny ang natatanging eight-division world champion sa larangan ng boxing.

Si Hidilyn naman ang kauna-unahang Filipino na nanalo ng Olympic gold medal para sa Pilipinas nang magwagi siya sa women's 55-kg weightlifting event ng 2020 Tokyo Olympics noong nakaraang taon.

"Natutuwa ako kasi wow, ang dami nating world-class athletes. Sana dumami pa. Nakakatuwa, kasi dati puro bowling, billiards and boxing lang ang naririnig mo eh, the three Bs. Ngayon may weightlifting, andiyan si EJ Obiena, andiyan ang golf, andiyan ang tennis, si Alex Eala. Marami, nakakatuwa. I'm happy that we get to see them in the world stage," sabi ni Nepomuceno.

Nakilala at nakakausap din ni Nepomuceno ang mga atletang Pinoy ngayon, nang mag-coach siya sa Asian Games.

"Even Hidilyn. Hindi pa siya silver medalist kilala ko na siya. I met her in Turkmenistan in the Asian Indoor Games," kuwento niya.

Isang Guinness World Record holder na may 133 titulo, nagbabahagi rin ng payo si Nepomuceno tungkol sa mga batang atleta.

"Even EJ Obiena once in a while, 'yung coach niya tinatawagan ako, pinapakausap ako sa kaniya to give him some tips, fundamental game," saad niya.

Kabilang sa mga naimarkang kasaysayan ni Nepomuceno sa bowling ay pagiging kampeon sa Philippine Junior Masters Championship sa edad na 15, at nagwagi sa Philippine International Masters sa edad na 17, ang pinakabatang national champion.

Sa edad na 19, nanalo siya ng Philippine Open, Asian Championships, at Bowling World Cup--ang pinakabatang world champion.

May tatlo rin siyang Guinness World Records: Ang pagiging youngest world champion, ang natatanging atleta sa mundo na nanalo ng titulo sa iba't ibang dekada, at ang may pinakamaraming titles na napanalunan sa kaniyang karera na may 133 titulo. — FRJ, GMA Integrated News