Ikinuwento ni Pinoy bowling legend na si Rafael "Paeng" Nepomuceno, na 12-anyos lang siya nang madiskubre niya ang bowling na ginagamitan ng malalaking bola habang nasa Baguio at kasama ang kaniyang ama na naglalaro ng golf.
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," ikinuwento ni Paeng, na 12-anyos siya noon at kasama siya ng kaniyang ama sa Baguio na kinatawan noon ng University of the Philippines para sa isang Filipino-American golf tournament sa Camp John Hay.
Aksidente raw silang napunta sa isang bowling center nang biglang umulan nang malakas at naghanap ang mga manlalaro ng masisilungan.
"I asked my dad 'Ano 'yung game na 'yon?' He said 'bowling 'yan.' Ang lalaki ng bola. At the time ang alam ko sa bowling 'yung duck pins, 'yung maliliit na bola, 'yun ang uso sa Pilipinas," pagbalik-tanaw ni Paeng.
Pag-uwi niya mula sa Baguio, sinabi ni Paeng natuwa siya nang may isang junior league sa bowling para sa mga kabataang ka-edad niya.
"I liked it, kasi sa golf kasi puro matatanda ang mga kalaro ko eh. Sa bowling mga ka-edad ko, tsaka every week. Enjoy ako," kuwento niya.
Napansin umano ni Paeng na mabilis niyang natutunan ang bowling.
Sa edad na 15, siya ang nagkampeon sa Philippine Junior Masters Championship. At magmula noon, tinutukan na raw niya ang naturang sport.
Kaya naman sa edad na 17, nagwagi siya sa Philippine International Masters, at naging pinakabatang national champion.
"Hanggang ngayon 'yung record na 'yon unbroken na pinakabatang national champion at 17. That's how I discovered it," sabi ni Paeng.
Nasundan pa ang mga parangal na nakukuha niya sa bowling. Sa edad na 19 noong 1976, nanalo siya ng Philippine Open, Asian Championships, at Bowling World Cup.
Siya ang itinanghal na pinakabatang world champion.
May tatlo rin siyang Guinness World Records: Ang pagiging youngest world champion, ang natatanging atleta sa mundo na nanalo ng titulo sa iba't ibang dekada, at ang may pinakamaraming titles na napanalunan sa kaniyang karera na may 133 titulo.
Para sa pang-apat niyang record, na-break niya ang sariling record bilang may pinakamaraming titulo sa buong mundo at nanalo sa iba-ibang lugar.
"The very first lesson I learned when I bowl, nobody is born a champion. Ang score ko 63... ganu'n kasama," sabi ni Nepomuceno sa kaniyang pagsisimula.
"Talagang pinag-aralan ko ang sport, tinuruan ako ng dad ko, coach ko. Never in my wildest dreams," dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News