Malaking puntos ang kailangang punuin ni Isko Salvador, o Brod Pete para manalo ng kabuuang P200,000 ang kaniyang team "Bubble Gang Rewind," matapos na 42 points lang ang maipon ng kasamahan niyang si Antonio Aquitania sa "fast money" round ng "Family Feud Philippines."

Ang team "Bubble Gang Rewind" [kasama sina Jan Manual at Maureen Larrazabal] ang umusad sa fast money round nang talunin nila ang "Team Horror"

Sina Brod Pete at Antonio naman ang napili ng team na sumabak sa fast money kung saan kailangan nilang makakuha ng 200 points para makapag-uwi ng dagdag na P100,000 na premyo, bukod pa sa P100,000 na nauna na nilang napanalunan.

Unang sumagot sa limang tanong si Antonio, at dalawa sa mga ito ang na-zero siya. Umabot lang ang total point niya sa 42.

Dahil dito, kailangan ni Brod Pete na makaipon ng 158 points para manalo ng dagdag na P100,000 para sa kaniyang team.

"Si Antonio, pogi lang eh," birong sambit ni Brod Pete bago sumagot sa fast money round.

Matagumpay naman na nasagot ni Brod Pete ang limang tanong. Pero makuha kaya niya ang mga top answer para umabot sa 200 points? Panoorin ang naturang episode sa video. --FRJ, GMA Integrated News