Kung napunta si "Klay" sa sinaunang panahon nina "Maria Clara at Ibarra," sa pakulo ni Juancho Triviño, ang karakter naman niyang si "Padre Salvi" ang bumiyahe nang naka-tricycle sa modernong panahon--para umorder ng pagkain.
Sa video post ni Juancho sa Instagram, kinagiliwan ng netizen ang pagpunta ni Padre Salvi sa Jollibee branch para mag-drive thru nang naka-tricycle, matapos makaramdam ng gutom.
Kasama ang alalay niyang "indio," tumigil at bumaba ng tricycle si Padre Salvi para umorder ng pagkain, at nagbayad.
Panaka-naka rin nagkakastila si Padre Salvi habang kausap ang staff ng fastfood chain.
"Nais naming makilala ang inyong mga manok," sabi ni Pafre Salvi nang umorder sila ng Chickenjoy.
Dahil makapangyarihan, ang mga alagad ni Padre Salvi ang pinagbitbit niya ng pagkain.
"Hindi ako nagbubuhat ng aking pagkain," saad niya.
Isa si Padre Salvi sa mga kinaiinisang karakter sa Kapuso hit primetime series na "Maria Clara at Ibarra," na hango sa nobela ni Dr. Jose Rizal na "Noli Me Tangere" at "El Filibusterismo."
Pinagbibidahan ito nina Dennis Trillo (Ibarra) at Julie Anne San Jose (Maria Clara), at si Barbie Forteza (Klay), ang estudyante sa makabagong panahon na napunta sa mundo ng naturang nobela.—FRJ, GMA Integrated News