Ibinahagi ni Billy Crawford ang hirap sa training sa ginawang pagsabak sa Dancing with the Stars sa France kung saan itinanghal sila ng kaniyang partner na panalo. Si Billy, nagkaroon pa ng mga injury.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakauwi na si Billy sa Pilipinas matapos ang kaniyang pagkapanalo sa Danse Avec Les Stars, na French version ng sikat na reality dance competition sa Amerika.
Hindi pa rin makapaniwala si Billy na nakuha nila ng French dancer, choreographer at actress na si Fauve Hautot ang grand prize matapos ang 10 linggong kompetisyon. Kakaiba at naging mahirap daw ang training na kanilang pinagdaanan.
"Recovering pa rin. It takes time. I tore my groin, my back, my calf. Maraming injuries in a span of three months. Pero sobrang blessed naman, nakakalakad pa ako. Malayo sa bituka," sabi ni Billy.
Nagpasalamat si Billy kay Fauve, sa lahat ng bumubuo ng kompetisyon, sa asawang si Coleen Garcia at anak na si Amari na kasama niya rin noon sa France.
Thankful din si Billy sa mga Pinoy na nakiki-update kahit ginaganap ng madaling araw sa Pilipinas ang kompetisyon.
"Sa totoo lang, mas saludo ako kay Coleen. Siya ang sumalo ng lahat para kay Amari. Even the times na nandoon ako sa France, nagre-rehearse ako araw-araw for eight hours minimum. By the time na dadating ako sa bahay, patulog na si Amari, si Coleen ang lahat ng gumagawa," anang The Wall Philippines host.
Nagbabalik-bansa si Billy para sa holiday season, at susulitin ang Paskong Pinoy kasama ang pamilya.
"There's nothing happier than a Filipino Christmas. Nandito ang pamilya, nandito ang pagmamahal, nandito ang mahal namin sa buhay. We wouldn't trade it for anything," sabi ni Billy.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News