Sa inialay na tula, madarama ang matinding pangungulila ni Aicelle Santos sa pumanaw niyang ina na si Leonila "Onnie" Santos.

Sa Instagram, ipinost ng Kapuso theater singer and actress ang larawan ng kaniyang ina na nakatanaw sa kabundukan.

Nakasaad dito ang tula na nagsasabing darating ang araw na muli niya itong mayayakap at masisilayan ang ngiti.

"Sa bawat gabing pagtulog/ Ay patak ng luhang pag-agos/ Pag tahimik na ang lahat/ Ikaw lang ang hanap," ani Aicelle. "Balang araw alam ko/ Mayayakap kang muli/ Makikita ang iyong ngiti."

"Pero ngayon, iiiyak muna/ Padadaanin ang panahon/ Titingala muna sa iyo, sa langit."

 

 

Nagpaabot naman ng pakikidalamhati kay Aicelle ang kaniyang mga kaibigan at followers sa comment section.

Pumanaw nitong nakaraang buwan lang si Mommy Onnie makaraang makaranas ng cardiac arrest.

Mourning her passing, Aicelle said, "Fly free now. Mahal na mahal na mahal po kita." —FRJ, GMA Integrated News