Kapuso pa rin sina Sherilyn Reyes-Tan at John Feir matapos ang mahigit dalawang dekada, nang mag-renew sila ng kaniyang contract sa Sparkle. Si John, nagsimula noon bilang production staff bago naging artista.

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagpasalamat si Sherilyn na patuloy pa ring natutupad ang kaniyang pangarap bilang artista.

"My family and I are beyond grateful for this opportunity. At paulit-ulit ko pong sasabihin na isang karangalan na sabihin na isa akong proud na Kapuso talaga," sabi ni Sherilyn.

Napanood si Sherilyn sa Eat Bulaga, Bubble Gang, at marami pang serye sa Kapuso Network.

Nagsimula naman si John bilang production staff ng GMA, hanggang sa pasukin niya ang mundo ng pag-arte at nakilala sa iba't ibang roles gaya ni Belly Flory, ang parody ng namayapang si Bella Flores.

"Natutuwa ako kasi wala pa itong building na ito, nasa GMA na ako eh, tapos may ginagawang bagong building, nasa GMA pa rin ako. Kaya natutuwa ako at pinagkakatiwalaan nila ako hanggang ngayon," sabi ni John.

Nag-renew din ng kontrata ang The Clash Season 2 First Runner-Up na si Thea Astley, EA Guzman at Buboy Villar.

"I give all the glory to God and to GMA and to Sparkle. Kaya maraming maraming salamat po," sabi ni Thea.

"Nagsimula noong bumalik ako rito, hindi ako pinabayaan, talagang inalagaan ako nang maayos at binigyan ng tamang pagmamahal," sabi ni EA.

Halos dalawang dekada na sa Kapuso Network si Buboy.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated Affairs

"Sobrang saya ko po kasi pinapahalagahan nila kung paano ako magtrabaho, pinapahalagahan nila 'yung talento na meron ako. Sobrang thank God, hindi ko po akalain na sa tagal ng panahon, andito pa rin ako," sabi ni Buboy.