Matapos magkaroon ng tatlong miscarriages o pagkalaglag, inihayag ni Rica Peralejo na iba-iba ang kaniyang karanasan sa bawat sitwasyon, dahil bawat sanggol ay espesyal sa mundo.
Sa podcast na Surprise Guest with Pia Arcangel, ikinuwento ni Rica ang hirap na kaniyang pinagdaanan nang makunan.
Isinilang ni Rica ang kaniyang panganay na anak, pero nasundan ito ng dalawang pagkalaglag. Nailuwal ni Rica ang kaniyang secondborn, pero muli itong nasundan ng isa pang pagkalaglag.
"I think for every time that it happens to me, it always is naman talaga just God. But in very different ways also it's not as if like the first time I would repeat what I did from the first time, with the second and the third and I'll be fine. It's like every time is a new struggle," sabi ni Rica.
"That's still life, whether it progressed or not. Every other child in the world, this is a unique experience. It's not as if paulit-ulit nangyayari sa'yo, pareho lang 'yan. May iba ka talagang proseso for each time," dagdag niya.
Nagpasalamat si Rica na nakayanan niya ang pagsubok sa tulong ng Maykapal, pati na rin sa kaniyang asawa na ipinagdarasal siya.
Nakatulong din kay Rica na paglaanan niya ng oras na damahin ang sakit ng kaniyang pagsubok.
"Acknowledge mo lang na mahirap ito, na hindi mo pwedeng i-deny sa sarili mo na nahihirapan ka at masakit siya. Kasi the more you deny, the harder it is to actually heal. Kasi kapag hindi mo naa-address ang sugat, hindi ka rin talaga maghihilom."
Bukod dito, nakatulong din na totoo si Rica sa kaniyang sarili.
"Nakakatulong sa ugali ko na I'm very authentic kasi. 'May problema ka, hindi ka okay.' It really helps me to be that way kasi instead of repressing my emotions, and I think that's what I'm learning also in the past few months," anang aktres at TV host.
"So I think lately ang itinuturo talaga sa akin ng Diyos ay i-feel mo lang, huwag kang matakot, alam Niya lahat, hindi ka babagsak," sabi ni Rica. —LBG, GMA Integrated News