Inilahad ni Wilma Doesnt ang nakakatuwang kuwento nang madiskubre siya sa modeling noong nagwawalis lang sa tapat ng kanilang bahay.

Isa si Wilma sa guest choices sa Bawal Judgmental segment ng "Eat Bulaga" nitong Lunes, na tungkol sa mga artistang may foreign blood.

"Na-discover ako noong nagwawalis lang ako sa labas ng bahay namin," kuwento ni Wilma, na nadiskubre ng fashion director na si Robby Carmona.

"Naligaw lang siya, tapos ako 'yung napagtanungan niya dahil nga nasa labas ako ng bahay namin. Kasi naman itong nanay ko, echosera, ang init-init pinagagalitan ako, pinarusahan ako, 'Magwalis ka sa labas!' Ako naman, sumunod," pagpapatuloy ni Wilma.

Naliligaw daw ang fashion director, kaya kasuwal siya nitong tinanong para sa direksyon.

"After two hours bumalik siya, tapos sabi ko 'Ay kawawa naman 'yung mamà,'" sabi ni Wilma.

"Tinandaan niya pala kung saan niya ako nakita. Binalikan niya talaga ako."

Hanggang sa tanungin ni Robby ang ina ni Wilma kung papayag ito na mag-modeling ang anak.

"Noong tinanong ni Kuya Robby, 'Puwede ko po bang gawing model ang anak niyo?' 'Yung nanay ko 'Oho sige ho, ngayon na ba?'"

Pursigido ang ina ni Wilma na pumasok siya sa modeling.

"Sabi ko 'Puwede ba ako do'n?' Kasi siyempre wala ka namang self-confidence. Sabi ng nanay ko 'Puwede ka do'n. Tinatanong niya kung puwede ka, puwede ka 'nak!'"

"Doon ko napatunayan na 'pag para sa iyo 'yon mangyayari 'yon para sa iyo," sabi ni Wilma.

Ikinasal si Wilma ngayong taon sa kaniyang non-showbiz boyfriend na si Gerick Parin. — VBL, GMA Integrated News