May kasabihan na first impression lasts. Kaya papaano kaya mababawi ang first impression ni Angel Guardian kay Kokoy De Santos na isa umanong babaero?

Sa programang "The Boobay and Tekla Show," inihayag ng mga runner sa "Running Man Philippines" na sina Angel at Kokoy, na kahit noon pa man na bata pa ay magkakilala na silang dalawa.

Ipinakita pa ang larawan noon ni Kokoy na bata pa at kasali sa kaniyang unang GMA show na "Futbolilits."

Natatawang komento ni Kokoy, tatay niya sa naturang show si Paolo Contis, na katrabaho niya ngayon sa "Bubble Gang."

Nang tanungin ng mga host si Angel kung ano ang first impression niya kay Kokoy na kilalang malapit sa kaniya ngayon, tugon ng dalaga: "Babaero."

Pero bumawi naman sa kaniyang pabahol na komento si Angel at sinabing "romantiko" namang tao si Kokoy.

"Sweet si Kokoy. Maalaga, caring," sambit niya.

Ayon kay Kokoy, sanay na siya na hinuhusgahan ng mga tao.

Nang si Kokoy naman ang tinanong sa first impression ni kay Angel, sagot ng binata: "Mataray."

"May pagka-mataray 'pag tumingin. Pero kapag siyempre kapag nagsalita na doon mo lang mare-realized na mabait pala," bawi naman ni Kokoy.--FRJ, GMA Integrated News