Kung sakaling mangyari sa tunay na buhay ang plot ng kanilang series na "Maria Clara at Ibarra," inihayag nina Barbie Forteza at Dennis Trillo ang mga plano nilang dalhin para maibahagi sa kasalukuyan ang mga aral ng nakaraan.

"Magdadala ako ng video cam o kaya ng camera para secretly kukunan ko sila, ma-preserve ko kung ano 'yung mga nangyayari noon at meron tayong mas magandang reference na makikita, mapapanood, mapag-aaralan," sabi ni Dennis sa panayam sa kanila sa GMA Regional TV Live.

Ginagampanan ni Dennis sa kanilang hit historical portal fantasy series ang bida ng Noli Me Tangere na si Crisostomo Ibarra, ngunit makikilala niya si Klay na isang Gen Z mula sa hinaharap, na ginagampanan ni Barbie.

"Mas naintindihan ko ang kwento. Visually mas naintindihan ko kung ano ang mga nangyari, tapos nakikilala ko 'yung mga characters, na dati kasi, noong pinag-aaralan natin siya masyadong malalim 'yung mga salita, na hindi natin alam 'yung ibang terms kaya hindi natin siya ma-picture nang maayos kung ano ba talaga," sabi ni Dennis tungkol sa kaniyang mga natutunan sa kaniyang pagganap.

Si Barbie naman, gustong makilala bilang isang versatile na aktres, kaya binibigyan niya ng dedikasyon ang kaniyang role bilang si Klay o Maria Clara Infantes.

"Siyempre gusto ko rin naman talagang ma-recognize hindi lang bilang artista kundi bilang aktres talaga. Hopefully ang respect nandoon and it lasts longer than fame," sabi ni Barbie.

Ipakikita naman ni Barbie sa henerasyon ngayon ang pagiging konserbatibo ng mga babae noon.

"Para na lang sa aming mga babae, sana maibalik 'yung pagiging conservative," anang aktres. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News