Nagbigay ng pahayag ang "King of Talk" na si Boy Abunda tungkol sa mga usap-usapan ng paglipat sa niya ng ibang network.
“That’s not an easy decision. As of now as I talk hindi talaga madali, and hindi ako nagsisinungaling doon sa hindi ko pa alam," pag-amin ni Boy sa media sa isang video ng Kapuso Showbiz News.
Kung sakaling matuloy, tiniyak ng talk show host na hindi niya puputulin ang magandang ugnayan niya sa iiwanan niyang network.
"Pero maganda dahil I will make sure I don't burn bridges kung saka-sakali, matuloy man o hindi, kung saan man ako, TV5 or [GMA 7] or kung ano pang mga estasyon. I will make sure na makikipag-usap ako nang matino," saad ng batikang TV host.
Pag-amin pa ni Boy, mahirap ito para sa kaniya dahil marami siyang inaalagaang mga magagandang relasyon sa industriya.
“I value relationships. That makes this whole process difficult," ani Tito Boy.
Muling binalikan ni Tito Boy kung paano siya nagsimula sa Kapuso Network, hanggang sa umusbong pa ang kaniyang career.
"Nag-umpisa ako ng karera ko sa telebisyon sa Channel 7, parati kong sinasabi na doon ako natutong maglakad. Natuto akong lumipad sa ABS-CBN. Sa dami ng tumulong, I did not do this thing alone. Mahirap dahil may mga relasyon akong pinapangalagaan,” paliwanag niya.
Inilahad ni Tito Boy ang kaniyang mga konsiderasyon para sa mga network na nag-aalok sa kaniya ng proyekto.
“'Yung nauunawaan kung nasaan ako. Kasi hindi naman na ako 20 years old. I’m not starting a career on television. I’ve been doing this for like... Malapit na akong malaos, let's be very honest, I mean for lack of a better word. All of us go. If there’s one immutable law in the business, it is that nothing lasts forever," saad niya.
“So I’m at that stage where I want to go back to where I want to be able to do what I do best," dagdag ni Tito Boy.--FRJ, GMA Integrated News