Pinasok na rin ng sikat na vlogger na si Lincoln Velasquez, o mas kilala bilang si Cong TV, ang boodle fight business, na sumasalamin sa kaniyang pagiging mapagmahal sa mga tao sa kaniyang buhay.
Sa "I Juander," sinabing sinimulan ni Cong ang franchise na Big Roy's Boodle Fight sa Pasay City ngayong taon.
"Magkakadikit kayo, balikat to balikat, talagang, after kasi ng pandemic lalo 'yung mga kapamilya mo, na-miss mong kumain nang sabay-sabay 'yung magkakasama kayo, kasama 'yung pamilya, 'yung mga mahal mo sa buhay," sabi ni Cong.
Dahil abala sa pagiging bagong ama, katuwang ni Cong ang 28-anyos na si Anthony, na kaniyang kababata at business partner sa kanilang boodle fight business.
"Nagustuhan kasi namin ang concept ng boodle fight business gawa ng kami bilang magkakaibigan 'yung laging magkakasama, laging kumakain, nagkakaroon ng bonding, nagkakaroon ng mas malalim na friendship" sabi ni Anthony John Navea, store manager ng Big Roy's Boodle Fight.
Nagkakahalaga ang mga boodle tray sa restaurant ni Cong ng mula P700 hanggang P3,000, depende sa laki at dami ng taong kakain nito.
Kasama sa mga putahe ang inihaw na manok, pusit, at isda.
"'Yung ganitong moments, ito 'yung nagbibigay sa amin na maging close lalo sa isa't isa," sabi ni Cong.