Mapapanood din si Rocco Nacino bilang si "Elias" sa tinututukang Kapuso primetime series na "Maria Clara at Ibarra."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinasilip ang eksena ni Elias na puno agad ng aksiyon.
Eeksena rin si Elias sa picnic nina Ibarra, Maria Clara, at iba. At may komprontasyon pa kay Padre Damaso.
"Action-packed ang pag-introduce [kay] Elias at maraming-maraming salamat kay Direk Zig (Dulay)sa pag-conceptualize ng eksena," ani Rocco.
Pinag-aralan at pinaghandaan daw ng aktor ang kaniyang karakter, at pinag-usapan daw nila ito ni Direk Zig.
"Ang naging atake ko kailangan talagang makita ng mga Kapuso natin kung gaano kaseryoso, gaano kamisteryoso 'tong si Elias," saad ni Rocco.
Sa mga nakabasa ng "Noli Me Tangere" na ibinase ang serye, si Elias ang magiging kapanalig ni Ibarra, na ginagampanan ni Dennis Trillo.
Napapanood ang "Maria Clara at Ibarra" sa GMA Telebabad mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng "24 Oras." Mayroon din itong livestream sa GMA Network website. —FRJ, GMA Integrated News