Nag-viral at kinagigiliwan maging ng mga foreigner ang isang Pinoy artist dahil kahit lalaki, kaya niyang magboses babae at gayahin ang mga sikat na singer tulad nina Jaya, Jessa Zaragoza, Lani Misalucha at Celine Dion.
Sa "Unang Hirit," makikita ang gulat na reaksyon ng ilang foreigners dahil sa kakaibang singing talent ni Caloy Quemada online.
Ang isa sa kaniyang videos, umabot na ng 3.7 milyong views.
"Actually nag-practice lang ako nang nag-practice sa pag-gig ko sa bars, sa araw-araw na pagkanta siguro, lumabas na lang," sabi ni Caloy, na nagsimulang gayahin ang OPM artists.
"Nasha-shock sila tapos minsan napagkakamalan na nagli-lip sync lang, siyempre hindi sila makapaniwala na lalaki ako tapos boses babae," dagdag ni Caloy tungkol sa reaksyon ng foreigners.
Ayon kay Caloy, kaya niyang gayahin ang mga boses ng 10 hanggang 15 na singers.
Tunghayan sa video ang paggaya ni Caloy sa boses nina Jessa Zaragoza, Janno Gibbs, Sitti at Celine Dion. —LBG, GMA Integrated News