Nag-trending online kamakailan ang lalaking kilala sa social media bilang si “Otlum,” o multo dahil sa umano'y "pagtangay" niya sa cellphone sa isang tindahan sa Maynila. Ang inakalang tapos na yugto, hindi pa pala dahil labis na nasaktan si Otlum sa mga batikos sa kaniya. Sino nga ba si Otlum?
Noong nakaraang linggo, nasapol sa CCTV camera si Miss Otlum, o PJ Dela Cruz, sa isang kainan sa Ermita na unang tinitingnan ang isang cellphone na nakalapag sa istante.
Maya-maya pa, bigla niyang dinampot ang cellphone at isinilid sa bag. Umalis siya sa lugar na parang walang nangyari.
Dahil sa insidente, nag-viral ang video nang magharap sa barangay sina Otlum at ang may-ari ng cellphone na si Joey Esquivel.
May mga bumatikos na netizens kay Otlum dahil iginiit niyang "kinuha" lang niya ang cellphone pero hindi raw niya ito "ninakaw."
Gayunman, tila marami rin ang napapreno sa kanilang paghusga kay Otlum matapos na mag-viral din ang isang post na makikita ang PWD (person with disabilty) ID ni Otlum na nagsasaad na mayroon siyang "psychosocial" disability.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, muling sinabi ni Otlum na malinis ang kaniyang konsensiya at wala siyang itinatago sa kaniyang pagkatao.
“Ako po si PJ Basanio Dela Cruz, pumapayag na ipakita ang aking mukha ng episode ng KMJS bilang patunay na wala po akong dapat ikahiya sa aking sarili at dahil clear ang conscience ko,” aniya.
Kuwento ni Otlum, una raw nag-trending ang kaniyang video namakikita na kamukha raw niya ang bida sa British drama series na Peaky Blinders na si Thomas Shelby.
“Kaya po ako po ang Beki Blinders ng Pilipinas,” dagdag pa niya. Matapos mag-viral ang video, dumami raw ang kaniyang followers.
“Ang ordinary greeting ay nagkakahalaga po ng P300 at ang bonggang kabog na VIP ay P500.
“Gusto ko silang mapatawa. Although I admit the fact na hindi lahat ng tao mapi-please ko. But I am happy when I am seeing people happy because of me,” aniya pa.
Kinumpirma rin ni Otlum sa KMJS na mayroon siyang psychosocial disability.
“Alam mo ang ginagawa mo but confusion all the time. Ang temper ko madaling mag-iba. Once na may hindi ako gusto, mataas ang boses ko gumaganyan-ganyan pero nasa tama lang naman ako,” diin pa niya.
Ayon kay Persons with Disability Affair Office ng Manila City officer-in-charge Ma. Luisa Victoria, humihingi raw si Otlum ng material assistance Manila Department of Social Welfare.
“Katunayan may pirma siya. Nilagay niya ay Otlum ng Pinas. Di tunay na pangalan tapos mga blanko na lang,” dagdag pa ni Victoria.
Samantala, iginiit ni Otlum na wala siyang derogatory records at hindi siya nagnakaw.
“Hindi siya nanggugulo kahit na asarin siya ng mga kabataan,” saad ng isang nakakilala kay Otlum.
“Kapag nadadaanan niya ako, ‘pangkape mo nay’. Nagugulat na lang ako,” ani ng isa pa.
Pero aminado si Otlum na may mga “multo” siya sa buhay na pilit niyang tinatakasan.
Nagmula raw siya sa San Rafael, Bulacan at pumanaw na raw ang kaniyang mga magulang at kapatid.
“Kahit maospital ako lang mag-isa. Ako lang sa buhay ko. Pero kahit ganoon ako na nag-iisa, hindi ko naisip na gumawa ng masama para mabuhay ako,” emosyonal niyang pahayag.
Mayroon din daw siyang dalawang anak.
“Dati po magkasama po kami ng anak ko. Pero humirap ang buhay, nandoon na po siya sa mama niya sa Bulacan. Iniwanan ko po muna dahil lumalaban po ako sa depresyon. So, ang hirap para sa akin,” kuwento ni Otlum.
“2015 nang ako po ay dumayo bilang taga-tinda ng bedsheet. Noong huminto po ako magtinda, pinasok ko po ang mundo ng massage. Noong mag-pandemya naman, talaga naman po, diyos ko po, hindi ko alam kung paano ang buhay,” aniya.
Umamin din si Otlum na gumamit siya noon ng ilegal na droga.
“Pero hindi ako proud. Hindi ko itatago sa sarili ko para wala akong katakutang multo,” sambit niya. “Mga kabataan huwag kayong sumubok. Itinigil ko na po ‘yan.”
Gayunpaman, ano ba talaga ang nangyari sa kumalat niyang video sa canteen?
“Hinahanap ko talaga ang phone ko kung saan-saan. Inano na po namin ‘yung CCTV, siya po talaga ang kumuha,” sabi ni Esquivel.
Pahayag naman ni Otlum, “Tinago ko naman ang SIM card at memory [card]. Alam ko na may CCTV doon sa premises at baka may maghanap baka maisoli ko rin ito sa may-ari. Pero dahil ako ay mahirap, ito po ay napagpasyahan kong ibenta sa halagang P1,650.”
Sa muling paghaharap nila sa barangay, inusisa ni Otlum kay Esquivel kung bakit inilabas pa sa social media ang kuha ng CCTV gayung inakala niyang okey na ang lahat.
Pero paliwanag ni Esquivel, iniupload nila ang kuha ng CCTV para patunayan na talaga "ninakaw" ni Otlum ang cellphone taliwas sa sinasabi niyang "kinuha" at walang intensyon na nakawin.
Naging matapang pa umano ang mga pahayag ni Otlum sa halip na maging mapagkumbaba at humingi ng paumanhin sa kaniyang ginawa.
Paano nga ba nila uunawain ang sitwasyon ng isa’t isa? Magkapatawaran pa kaya sila? Panoorin ang kabuan ng episode sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News