Kahit na challenging ang araw-araw na pagsusuot ng sinaunang baro't saya, masaya naman itong ginagawa ni Barbie Forteza para maging makatotohanan ang mga eksena sa "Maria Clara at Ibarra."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing mabusisi si Barbie at de numero ang pagsusuot ng baro't saya.
"Mahirap siya talaga. And considering na everyday namin siyang ginagawa, not just like ‘yung Halloween na isang araw mo lang pag-e-effort-an, ito everyday ganito eh," sabi ni Barbie.
Hindi nakadalo si Barbie sa "The Sparkle Spell," ang Kapuso Halloween ball noong nakaraang weekend, dahil sa pagiging abala sa location taping ng Maria Clara at Ibarra.
Gayunman, masaya si Barbie na nakitang dumalo ang kaniyang mga kaibigan, tulad ni Andrea Torres na gumaganap bilang si Sisa sa historical portal fantasy series.
"Sabi ko 'Ano ang nangyari kay Sisa, bakit naging violet? Ursula!'" biro ni Barbie.
Proud din si Barbie sa kaniyang nobyong si Jak Roberto na naging praktikal at creative sa Halloween costume bilang si Wolverine.
"Sabi ko nga, proud na proud ako sa kaniya. Sabi ko in fairness ah. Para sa akin kasi ang Halloween, it's the time na you just have to be creative, to create the look," anang Kapuso actress. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News