Marami nang nakasagupang bida sa mga eksena sa pelikula ang 76-anyos na ngayon na stuntman na si Telly Babasa. Pero ang gustong-gusto raw niyang kasuntukan sa eksena, walang iba kung hindi ang Da King na si Fernando Poe Jr.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Aubrey Carampel, sinabing kumita umano ng P5,000 sa bawat suntok ang Batangueñong si Telly kay FPJ, na tinaguriang King of the Philippine Movies.

Nakatrabaho na rin ni Telly ang mga bigating bida na sina Dolphy, Joseph Estrada, Rudy Fernandez, Ronnie Ricketts at Jeric Raval.

"Kasi kung sumuntok si Fernando Poe tuloy-tuloy eh, tsaka mabilis. Pagka kasi mahilig mag-abot si manager, si Fernando Poe Jr.," kuwento ni Babasa.

Nagsimula sa showbiz si Telly noong 21-anyos pa lamang siya, at isa siyang karatista sa totoong buhay.

Ayon kay Telly, hindi niya ginagawang biro ang pagiging kontrabida dahil may nakaambang panganib ang kaniyang bawat role.

"Ang gustong-gusto ko ngang makaaway noong araw, si FPJ... As a stuntman, napakahirap po talaga. Mahirap makipagsuntukan sa mga bida, tsaka hindi ka basta gugulpihin ng bida. Mas mahirap ang routine kaysa mag-dialogue. Kailangan ipadama mo at ipakita mo sa mga nanonood na totoo 'yung suntok ng bida," sabi ni Telly.

Samantala, gumagawa pa rin ng umaatikabong fight scenes ang 59-anyos na fight director na si John Lapid.

Siya ang nasa likod ng mga fight scene ng katatapos lang na hit series na "Lolong."

"Kapag may mga eksena, dapat alam mo na hindi ka makakatama sa artista, o alam mo kung saan ka e-exit, o 'yung suntok mo kailangang hindi sasapaw sa camera," paliwanag ni John.

Ayon kay John, may mga paraan para maging kapani-paniwala ang mga eksenang suntukan na walang madidisgrasya.

Kung papaano iyon ginagawa, tunghayan ang tutorial at demo ni John sa video. Panoorin. --FRJ, GMA News