Sisimulan na ni Jak Roberto ang pagpapatayo ang kaniyang dream house makaraang makabili ng lote.
Sa kanilang latest vlog, sinabi ni Jak na simula nitong Enero ay binibisita nila ng kaniyang mga architect ang lugar na pagtatayuan ng bahay.
Pagbahagi pa ng aktor, tatlong palapag ang plano niya sa bahay, at magkakaroon ng magandang view sa third floor.
Kasama sa plano ang apat na kuwarto, roof deck, at isa pang kuwarto sa first floor.
Lalagyan din ng gym at balcony ang pinapangarap na bahay ni Jak, na first time niyang magpapagawa.
Sa video’s description, sinabi ni Jak na mahilig siya sa mga house design at pangarap niyang magkaroon ng sariling bahay.
“Kahit 'yung mga location namin na mga bahay sa taping, minamasdan kong mabuti kung paano dinesenyo. Kasi sabi ko sarili ko, kapag magpapagawa na ako ng bahay, kahit papaano may idea na ako sa ipapagawa ko sa architect ko,” saad ni Jak.
Kahit hindi naging madali bilang first-timer, masaya si Jak na makita ang kaniyang future house kahit pa virtually lang muna mula sa disenyo.
“I’m so happy to finally see and ‘walk-thru’ my soon-to-be home,” sabi pa ni Jak.
“This makes me more motivated to keep doing what I’m doing and to work hard," anang aktor.
Nauna nang nakapagpagawa ng bahay ang kaniyang kapatid na si Sanya Lopez. --FRJ, GMA News