Ang tunay na pag-ibig, hindi sumusuko. Ito ang pinatunayan ng aktor na si Andrew Schimmer na patuloy at walang pagod na inaalagaan ang kaniyang partner na si Jhoromy Rivera hanggang sa tuluyang gumaling sa banig ng karamdaman.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi kamakailan ni Andrew ang paglabas ni Jhoromy sa ospital matapos ng halos isang taon na pagkakaratay sa ospital.
Ngunit pagkaraan lang ng pitong araw, kinailangan nilang bumalik sa ospital dahil nakaranas si Jhoromy ng pamamanas sa kaniyang katawan.
“Nandito kami sa ER [emergency room] uli. Ang dami naming pinuntahan na ospital 'di kami tinanggap. Puno ang kanilang ER,” ani Andrew sa isang video.
“Six grams of sodium to diet… nagdagdag siya ng six grams noong araw na lumabas kami ng ospital,” saad niya habang binabasa ang prescription kay Jhoromy.
Ayon kay Philippine Society of Nutritionists-Dieticians Public Relations Officer Jake Brandon Andal, RND, maaring naging dahilan ang dagdag na sodium sa pamamanas ng pasyente.
“Pag mataas ang pagkonsumo ng isang tao sa sodium, nakikita natin sila ay namamanas. At minsan nao-overwhelm ang ating kidneys at iba pang organs kaya ito ay nagkakaroon ng damage,” aniya.
Sinubukan ng KMJS na humingi ng panayam sa mga doktor ni Jhoromy ngunit tumanggi ang mga ito.
Napag-alaman na November 2021 nang ma-comatose si Jhoromy dahil sa sakit na asthma.
“In-born ‘yung kaniyang asthma. Noong mga around 3 a.m…’daddy, mommy can't breathe’. ‘Yung kulay niya, nag-iiba na. E.R. na,” ani Andrew.
“Pagdating namin sa emergency room, dead on arrival. Unang CPR, flat line. Pangalawa, wala. Pangatlong pump, tsaka pa lang sila nakakuha ng pulse,” dagdag niya.
Ayon kay Dr. Maricar Limpin ng Philippine Heart Center - Pulmonary and Critical Care, iba-iba umano ang maaaring maging dahilan ng pag-atake ng hika.
“Nagkakaroon ng sumpong ng hika sa tuwing mae-expose sa mga triggers. ‘Yung airwaves, namamaga. Therefore, ‘yung oxygenation mabilis na bababa at magkakaroon ng negative effect sa utak natin,” ani Limpin.
Matapos ang pangyayari, si Andrew na ang tumayong ama't ina sa kanilang dalawang anak.
“Bago ako pumunta sa ospital, mag-prepare na ako ng pagkain ng mga bata. Pag nakakain na sila, aasikasuhin ko na ang asawa ko,” sabi ng ng aktor sa video. “From tanghali to midnight, ito ‘yung madalas siya i-suction. Madalas siyang i-nebulize.”
Nagising si Jhoromy ilang araw bago ang Pasko noong nakaraang taon. Ngunit hindi pa rin nila nailabas agad ng ospital si Jhoromy dahil sa kaniyang maselang kalagayan.
Dahil din sa lumolobong bayarin sa ospital, isang follower umano ni Andrew ang nag-suggest na humingi siya ng tulong sa social media.
“At first, wala talagang tumulong. It will break your heart. Nararamdaman kong pa-fade away na ako,” malungkot na sabi ng aktor.
“Dasal lang ako nang dasal and then out of nowhere, ito na ‘yung moment na dumating na ‘yung mga taong gustong-gustong tumulong. May mga nagpapadala sa balut vendor, MMDA sweeper…P10, P5 everyday,” patuloy niya.
Ibinahagi rin ng aktor, ang ginawang pagyakap sa kaniya ng isang ginang dahil na rin sa pagsubok na kanilang kinakaharap. Aminado siya hindi niya napigilan ang sarili na maging emosyonal.
“Naglalakad ako. Out of nowhere, may isang matandang humawak sa kamay ko. Naiyak niya ko. Binulong ko sa kaniya…sabi ko ‘Nay, salamat. Nami-miss ko siya. Na-miss ko ‘yung yakap niya’,” kuwento ni Andrew.
“She’s very responsive. She’s very conscious. Kaso at the end of the day, magsi-sink in sa'yo na andun siya. Nakahiga. You're still helpless and you're just waiting,” dagdag niya.
Maging ang mga anak nila, na-miss na rin ang kanilang ina.
“I miss surprising her. I miss her coming back. I sometimes go to my room and think Mom is still here. Sometimes, I'm depressed because Mom is not home,” sabi ni Xander, bunso nilang anak.
Ayon kay Andrew, kasalukuyang pa ring nasa ospital si Jhoromy at unti-unting bumubuti na ang kaniyang kalagayan.
“Sinabi na sa'kin, 'di na gigising ang asawa mo, gumising. 'Di na magno-normalize ‘yan, nag-gain ng consciousness. Mayroon po tayong final say at andon po siya,” ani Andrew.
Para sa mga nais tumulong sa pamilya, maaaring ipadala ang tulong sa:
Banco de Oro
Kalayaan, Makati Branch.
Account name: John Andrew Schimmer
Account number: 011800041053
GCash: 09959637265
--FRJ, GMA News