Hindi lang husay sa pagluluto ang ipinamalas ni Chef JR Royol, kung hindi maging ang husay niya sa pag-arte makaraang bigla rin siyang mapunta sa sinaunang panahon nina "Maria Clara at Ibarra."

Sa "All Access" ng Unang Hirit, makikitang nakatulog si Chef JR habang manonood ng pinag-uusapan ngayong Kapuso series na "Maria Clara at Ibarra."

Pero nang magising siya, laking gulat niya na nasa mundo na rin siya ng Noli Me Tangere. Unang niyang nakita si Klay Infantes, na napagkamalan niyang si Barbie Forteza.

Si Klay na ang nagkuwento kay Chef JR kung bakit siya napunta sa Noli Me Tangere, gaya nang nangyari sa kaniya.

Nang makita ni Chef Jr ang mga bitbit ni Klay na mga pangsigang na kung tawagin ay "Sinigang ni Andeng," na binanggit sa Kabanata 23 ng Noli Me Tangere, hindi pinalampas ni Chef JR, na lutuin ito.

At kasamang tumikim ng kaniyang sinigang sina Maria Clara at Ibarra, na napagkamalan ni Chef JR na sina Julie Ann San Jose at Dennis Trillo.

Pumasa naman kaya sa panlasa ng mga tauhan ng Noli Me Tangere ang sinigang at acting ni Chef JR? Panoorin ang eksena. --FRJ, GMA News