Matapos isilang ang anak nila ni Dennis Trillo na si Baby Dylan, inihayag ni Jennylyn Mercado ang pagbabalik niya sa trabaho sa susunod na taon.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing tinalakay ni Dennis sa “Updated With Nelson Canlas” podcast ang kahalagahan sa kaniya ng pagiging pribado sa kabila ng kasikatan.
"Importante sa akin 'yun eh, 'yung privacy ng buhay, pagkakaroon ng peace of mind 'pag wala sa trabaho. Nagagawa ko naman siyang paghiwalayin nang maayos. Nakakapag-function ako as actor, at the same time as full-time na tatay," sabi ni Dennis.
Sa gitna ng usapan, may hatid na surpresa si Dennis, nang ipakita niya rin sa camera si Jennylyn. Kasama ni Dennis si Jen at ang baby nilang si Baby D, habang nagte-taping sa Ilocos para sa adventure portal series na “Maria Clara at Ibarra.”
"Malapit na. First quarter next year," sabi ni Jennylyn tungkol sa kaniyang pagbabalik trabaho.
Sa kasalukuyan, sinusulit muna ni Jennylyn ang pag-aalaga kay Baby Dylan bago maging abala ulit sa showbiz. — Jamil Santos/VBL, GMA News