Isinilang na ni Melissa Gohing ang baby boy nila ni Rocco Nacino. Ayon sa aktorm, muntik malagay sa peligro ang kalagayan ng kaniyang mag-ina nang hindi inaasahan na biglang pumutok ang "panubigan" ni Melissa.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isinilang ni Melissa noong Linggo si Baby Raffaello, na may timbang na 7.48 pounds.
Ayon sa mag-asawa, gusto sana nilang lumabas si Raffaello noong Oktubre 10, pero hindi nila inaasahang nag-break ang water bag ni Melissa habang papunta sila sa isang family gathering.
"Malaman-laman namin na hindi clear 'yung tubig na lumabas kay Mel kundi yellow. Ibig sabihin nag-poopoo na si baby sa loob, so delikado. Naging emergency [cesarean] siya," sabi ni Rocco.
Ngayon, ligtas at nagpapahinga na si Melissa at baby Raffaello, habang ginagampanan naman ni Rocco ang kaniyang daddy at nurse duties sa kaniyang mag-ina.
“Inaalalayan siya (Melissa) tumayo, maglakad kasi sobrang sakit. Kaya nu'ng ginagawa niya ‘tong bagay na ‘to, sabi ko 'Hanga ako sa mga mommy, lalo na 'yung mga nag-[cesarean],'” sabi ni Rocco.
“Sobrang mapapagod ka. Pagod na pagod ka, mainit ulo mo pero ‘pag nakita mo na 'yung anak mo na nakatingin sa’yo, ‘pag binuhat mo na, nawawala 'yung pagod.” dagdag ng aktor.
Ikinasal sina Melissa at Rocco Enero noong nakaraang taon. Inanunsyo nila ang pagbubuntis ni Melissa noong Mayo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News