Bago pa napadalas sa social media ang iba't ibang memes na kinagigiliwan ng netizens, nauna nang mag-viral at naging "OG" ang mga katulad nina "Totoy Brown," "Bilog at Bunak," at "Gwiyomi Girl." Kumusta na nga ba sila ngayon?
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," muling binalikan ni Ric Delos Santos, o mas kilala bilang si Totoy Brown, kung paanong naging meme ang kaniyang larawan na naglalaro sa computer shop.
"Nagko-computer po kami ng mga kasama ko po noon, tapos talagang focused na focused ako sa laro namin. Tinawag ako ng kasama ko. Noon pong tinawag ako, may nakaabang po pala na cellphone," sabi ni Totoy Brown, na taga-Peñaranda sa Nueva Ecija
Dahil sa kasikatan ni Totoy Brown, naging "promo code" pa ang kaniyang pangalan sa kanilang tindahan, o binabanggit ang "Totoy Brown" para makapangutang.
Pero nang magkaroon ng pandemya, napilitan si Delos Santos na ibenta ang ginagamit niyang motorsiklo sa pamamasada.
Ang kamay naman na kaniyang ginagamit sa pagdo-Dota noon, ginagamit na niya ngayon sa paggapas ng palay.
Sa paghagupit ng Bagyong Karding, isa sina Totoy Brown sa mga nasalanta, kung saan nasira ang kanilang bahay at pananim.
Ang viral na magkapatid noong sina Bilog at Bunak na ginawan ng parody at ini-spoof ng mga artista, hindi na nagbabangayan kundi naging magkasanggang-dikit na.
Nakatira pa rin sila sa Tondo sa Maynila.
"Hindi na po kami madalas nag-aaway, lalo na ngayon may klase na sila, nagpapatulong siya sa akin ng mga assignment," sabi ni Bilog, o Danica Tiongson sa totoong buhay.
Dalagita na si Bilog, na suma-sideline bilang taga-repack ng produkto sa isang shipping company. Pinagsasabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho.
"Mahirap po talaga siya kasi minsan po mas pina-prioritize ko 'yung trabaho ko kaysa sa pag-aaral. Pero naha-handle ko naman po siya, napagsasabay ko naman nang maayos," sabi ng emosyonal na si Bilog.
Nasa Grade 7 na ngayon si Bunak o Daniel Tiongson.
Matatandaang para sa kanilang ama na nang-iwan sa kanila ang gagawin sanang video ni Bilog na ipapasa niya sa Facebook.
"Nag-chat po siya sa amin, tapos may bago na raw siyang pamilya. Okay lang po 'yun as long as masaya naman po siya roon," sabi ni Bilog.
Ang pasalu-saludo, may pasampal-sampal ng pisngi at pakusot-kusot pa ng mata na si Vanessa Ignao o mas kilala bilang si Gwiyomi Girl, 24-anyos na ngayon.
May suot pa siyang wristbands at bag, at may octopus na hairstyle.
Ayon kay Gwiyomi Girl, ginawa niya ang video noong 2013. Isang araw, nagulat na lamang siya dahil pinagpo-post at share ng marami ang kaniyang video.
"Ginaya ko lang po talaga sila. Sa text po nakikipag-usap ako 'yung parang 'Eow phOuz,' 'yung marami pong cheche boreche, letters at numbers," sabi ni Gwiyomi Girl.
Sa likod nito, 17 taong gulang si Nessa nang mabuntis sa kaniyang panganay na anak. Pero nahuli niyang nambababae ang kaniyang partner.
Pero ngayon, nakatagpo siya ng bagong pag-ibig at tumatayong itong tatay sa kaniyang mga anak.
Tunghayan sa video ng KMJS ang mga buhay ngayon nina Totoy Brown, Bilog at Bunak at Gwiyomi Girl.--FRJ, GMA News