Ibinasura ng Taguig Regional Trial Court ang mosyon ng TV host-actor na si Vhong Navarro na manatili siya sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, inihayag umano ng korte na nabigo si Vhong na magbigay ng sapat na batayan para hindi siya alisin sa detention facility ng NBI.
Nabigo rin umano ang kampo ng aktor na magbigay ng sapat na katibayan na may banta sa buhay ni Vhong kapag inilipat sa Taguig City Jail.
Una rito, inatasan ng Court of Appeals ang City Prosecutor of Taguig City na magsampa ng rape at acts of lasciviousness case laban kay Vhong batay sa reklamo ng model-stylist na si Deniece Milinette Cornejo na nangyari noong Enero 2014.
Kasunod nito ay sumuko si Vhong sa NBI nang maglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kaniya para sa kasong acts of lasciviousness.
Gayunman, nagpetisyon ang kampo ni Cornejo na dapat sa Taguig City Jail nakadetine si Vhong batay sa isinasaad sa warrant of arrest.
Nitong September 20, umapela sa korte si Vhong na payagan siyang manatili sa NBI detention center dahil sa banta umano sa kaniyang buhay batay sa text messages na natanggap ng kaniyang asawa.
Nauna nang itinanggi ng kampo ni Vhong ang mga paratang laban sa aktor.--FRJ, GMA News