Aminado ang dating miyembro at drummer ng The Eraserheads na si Raymund Marasigan na hindi naiwasan na magkaroon sila ng ilangan ng kaniyang mga dating kabanda nang muli silang magsama-sama matapos ang matagal na panahon para sa kanilang reunion concert sa Disyembre.
Sa music website na Bandwagon, hindi ikinaila ni Raymund na hindi talaga sila "close" ng mga kabanda.
"Obviously, we are famously not close, especially in the last few years," saad niya.
Sa mga kabanda, sinabi ni Raymund na wala silang problema ni Buddy Zabala na nakikita niya linggo-linggo.
"With the four of us, it's really, really awkward. We haven't talked. We've been distancing from each other," ayon kay Raymund.
Sa kabila nito, wala naman umanong naging problema sa kanilang muling pagkikita-kita.
"Wala naman silang any issues. Then when it was finally over after a few minutes, I said, 'I gotta go. I have a gig to play'," patuloy niya.
Ayon sa Bandwagon, muling nagkasama-sama ang grupo sa photoshoot na ginawa ni Xander Angeles.
"Tahimik eh. Walang usap," sabi ni Raymund. "The four of us are awkward together ever since — it's nothing new. We're not comfortable without equipment. We're not comfortable with each other."
Ang musika raw ang paraan para maalis ang pagkailang nila sa isa't isa.
Naglabas umano si Raymund ng portable speaker at nagsimulang tumugtog.
"It was music [para maalis ang ilang]," saad ni Raymund sa Bandwagon.
Kasunod nito ay pinag-usapan na nila ang tungkol sa kanilang concert, kung ano ang mga puwede nilang gawin.
Nitong Lunes, inanunsyo ng mga miyembro ng banda ang kanilang reunion concert na "Huling El Bimbo" sa darating na Disyembre.
Taong 2002 nang mabuwag ang banda, at 2008 nang huli silang magtanghal pero nagkaroon ng heart attack ang kanilang frontman na si Ely Buendia. — FRJ, GMA News