Ibinahagi ni Kokoy de Santos na magkahalong emosyon ang kaniyang naramdaman nang malaman niyang kabilang siya sa cast ng reality TV show na "Running Man Philippines."
"Surreal, sobrang surreal. Lahat ng emosyon siguro. Hindi ko alam kung ano 'yung ano 'yung mauuna eh. May excitement, may kaba, lahat naramdaman ko na," sabi ni Kokoy sa Mornings with GMA Regional TV.
"Naiiyak pa nga ako eh. Kasi sabi ko nga, hindi ko in-expect ang ganitong klaseng blessing na darating sa buhay ko. Sobrang thankful ako, siyempre kay Lord na binigyan niya ako ng ganito," dagdag pa ni Kokoy.
Kasama ni Kokoy sa cast sina Ruru Madrid, Glaiza de Castro, Mikael Daez, Lexi Gonzales, Angel Guardian at Buboy Villar.
"Hindi ko in-expect na mapapabilang ako roon sa ganu'ng klaseng line up. Pero sabi ko nga 'Hala ang daming nakapila. Okay lang ba? Sabi ko nga 'Deserve ko ba talaga ito?' Sobrang saya lang sa pakiramdam na ipinagkatiwala sa akin ng GMA itong ganitong kalaking proyekto," sabi ni Kokoy.
Nagsimula nang umere ang Running Man Philippines sa Kapuso Network nakaraang linggo, at napapanood tuwing 7:15 p.m. ng Sabado at 7:50 p.m. ng Linggo sa GMA Weekend Primetime.
Panoorin sa video sa ibaba kung bakit kinagigiliwan ng mga manonood ang Running Man Philippines.
--FRJ, GMA News