Mayroon na ring sariling Funko Pop ang tinaguriang "King of Christmas Carols" na si Jose Mari Chan, na inaabangan na sa pagsisimula ng "ber" months.

Ito ang inanunsyo ng singer-songwriter sa kaniyang social media pages, kung saan makikitang may Christmas tree pa sa packaging ng Funko Pop ni Jose Mari Chan.

Makikita sa Funko Pop na naka-suit and tie si Jose Mari Chan, at may hawak ang mic sa kanang kamay, habang ginagawa ang kaniyang iconic gesture sa kaliwang kamay.

“Secret’s out! I’ve been officially FUNKO’ed!” sabi ni Jose Mari Chan sa Facebook.

Sa pagsalubong sa Ber months, naging guest si Jose Mari Chan sa Unang Hirit at muling nakakanta sa telebisyon.

Naging panauhin din si Jose Mari Chan sa the Howie Severino Podcast, na inilunsad din nitong Setyembre 1.

Mabibili ang Funko Pop ni Jose Mari Chan sa Hobbiestock Collectibles stores, Shopee, at Lazada sa halagang P899. --Jamil Santos/FRJ, GMA News