Wala mang "label," pero inamin ni Ruru Madrid sa unang pagkakataon ang espesyal na pagtitinginan nila Bianca Umali.
Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," tinanong ang leading man ng Kapuso action series na "Lolong," kung ano ang talaga ang relasyon nila ni Bianca.
"Ang hirap lagyan ng label... Ang hirap, ako ang pinagpapawisan dito," natatawang sagot ni Ruru.
Nang banggitin ni Jessica ang ginawang sorpresang pagbisita ni Bianca kay Ruru sa South Korea, sinabi ng aktor na hindi niya iyon inasahan.
"Pero wala pa rin kayong label?" muling giit ni Jessica.
"Dahil kayo po ang nagtanong, Ma'am Jess, this is the first time na sasagutin ko po ito," sabi ni Ruru. "We're dating for four years"
"We're just very happy dahil ramdam po namin 'yung suporta ng bawat isa," dagdag ni Ruru.
Matatandaang nag-sweet coffee date sina Ruru at Bianca sa South Korea sa isang cafe na may magandang view.
Dinalaw ni Bianca si Ruru sa pagtatapos ng taping ng binata para sa "Running Man Philippines."
Bago nito, naging bukas na rin si Ruru na pag-usapan ang tungkol sa kanila ni Bianca.-- FRJ, GMA News